-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Hindi bababa sa ₱10,000 at isang laptop ang natangay ng mga hindi pa nakikilalang suspek matapos looban ang Laforteza Pharmacy – Koronadal Branch.

Batay sa pahayag ni Raymund Delgado, branch manager ng nasabing botika, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, napansin nila ang insidente nang mapansin ng kanilang staff na magulo na ang loob ng opisina nang pumasok sila kinaumagahan.

Agad nilang inabisuhan ang mga awtoridad at ipinag-utos ni Delgado na pansamantalang isara muna ang operasyon ng botika upang mabigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis.

Sa pagsisiyasat ng mga otoridad, lumabas sa CCTV footage na dumaan sa kisame ang mga suspek. Gumamit umano ang mga ito ng cutter upang butasin ang bahagi ng ceiling at makapasok sa loob ng gusali nang hindi napapansin.

Ayon kay Delgado, malaking dagok sa kanilang operasyon ang naturang insidente dahil hindi lamang sila nawalan ng kagamitan at pera, kundi naapektuhan din ang kanilang mga empleyado na umaasa sa pang-araw-araw na kita ng botika.

Nagpaabot din siya ng mensahe sa mga salarin, nananawagan na mamuhay sa tama at patas na paraan, sapagkat ayon sa kanya, “kung mayroon silang pamilyang binubuhay, ganoon din ang mga empleyadong ngayon ay naapektuhan dahil sa kanilang ginawa.”

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis ng Koronadal upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at mabawi ang mga natangay na kagamitan.