-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Pinaghahanap pa rin sa ngayon ang presong nakatakas mula sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center o Provincial Jail sa Koronadal City noong Setyembre 13, 2025.

Ito ang kinumpirma ni Jail Warden Barney Condes sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang pugante na si Jayrald P. Plana, 38-anyos, residente ng Purok Reyes, Barangay El Nonok, Banga, South Cotabato. Nahuli ito noong Hunyo 2025 dahil sa kasong murder.

Ayon kay Condes, may ginagawa na silang hakbang upang matunton ang pinagtataguan ng inmate ngunit tumanggi itong i-detalye.

Malaki ang paniniwala ni Condes na hindi makakapagtago habambuhay ang tumakas na bilanggo dahil mahahanap din ito sa mas madaling panahon.

Matatandaan na lumabas sa paunang imbestigasyon na iniwang nakabukas ang padlock ng selda at posibleng may nagbigay ng susi sa nakatakas na preso—isang bagay na tinawag ng gobernador na “unacceptable” o hindi katanggap-tanggap.

Patuloy naman ang malawakang manhunt operation ng mga otoridad upang maibalik agad sa kustodiya ng pamahalaan ang naturang pugante.

Samantala, may mga job order jail guards na naka-duty nang maganap ang pagtakas na sinibak. Bukod dito, inilipat din sa ibang bayan o malayong lugar ang mga regional jail guards upang maiwasan ang anumang uri ng sabwatan o pakikipagsabwatan sa mga bilanggo.