Umakyat na sa 300 ang bilang ng mga tinaguriang “ghost” o hindi gumaganang mga super health centers na iniimbestigahan ngayon ng Department of Health o DOH.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nagsasagawa na ng case building ang DOH laban sa mga non-operational na pasilidad sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program o HFEP ng ahensya.
Sa ulat na isinumite ni Herbosa sa Independent Commission for Infrastructure o ICI, sinabi nitong mula sa 297, umakyat na sa 300 ang bilang ng mga pasilidad na pinaiimbestigahan.
Kasabay nito, tiniyak ni Herbosa na tutulong ang ICI sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng DOH para matukoy kung bakit hindi pa rin operational ang ilan sa mga health centers na naipunduhan mula pa noong 2021.
Batay sa tala ng DOH, may kabuuang 878 super health centers na naipunduhan mula 2021—kung saan 300 ang hindi pa operational, 196 ang operational, 17 ang bahagyang gumagana, at 365 pa ang nasa iba’t ibang yugto ng konstruksyon.
Dagdag pa ni Herbosa, maglulunsad ang DOH ng Citizens Participatory Audit upang hikayatin ang publiko na magsumbong ng mga posibleng iregularidad sa pagpapatayo ng mga nasabing pasilidad.