-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nakakulong na nga, pero ilang bilanggo sa South Cotabato Provincial Jail ay muling nasangkot sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot!

Ito ang kinumpirma ni Jail Warden Barney Condes ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center o SCRDC.

Ayon kay Condes, labing-isa (11) sa 31 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang nagpositibo sa droga matapos isailalim sa random drug testing na isinagawa kamakailan sa loob ng kulungan.

Malaki ang paniniwala ng opisyal na matagal na umanong ginagamit ng ilang preso ang mga “lumang stock” ng droga na dati nang naipasok sa loob ng pasilidad.

Bilang tugon, inilipat na sa hiwalay na selda ang mga nagpositibong preso upang maisailalim sa isolation at mabantayan habang sumasailalim sa rehabilitation program.
Tinanggalan din sila ng pribilehiyo sa dalaw, bilang bahagi ng kanilang disiplina at reporma.

Dagdag ni Condes, mahigpit nang ipinatutupad ang seguridad sa loob ng kulungan upang matiyak na hindi na muling makapasok ang anumang uri ng ipinagbabawal na gamot.

Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang drug-free environment sa provincial jail at mapatibay ang reformation program para sa mga Persons Deprived of Liberty.