-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpatupad ng taas-singil sa kuryente ang South Cotabato I Electric Cooperative, Inc. (SOCOTECO-1) ngayong Setyembre 2025, matapos tumaas ng ₱1.76 kada kilowatt-hour (kWh) ang kanilang power rate.

Ayon sa kooperatiba, ang pagtaas ay bunsod ng mas mataas na pass-through charges o mga bayaring ipinapasa mula sa mga power supplier.

Batay sa ulat ng SOCOTECO-1, pangunahing dahilan ng pagtaas ay ang pag-akyat ng generation rate ng ₱1.3956/kWh o 24.96%, na resulta ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Kabilang sa mga dahilan ng pagmahal ng presyo sa WESM ang outages ng ilang power plant tulad ng SEC, TSI, at FDC MPC, tumataas na demand sa kuryente, at patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel.

Tumaas din ang transmission rate ng 3.79% para sa residential consumers, 3.81% sa low voltage, at 17.34% sa high voltage customers dahil sa mas mataas na Power Delivery Service Charge.

Dahil dito, umakyat sa ₱13.41/kWh ang kabuuang singil sa kuryente ng karaniwang sambahayan mula sa dating ₱11.65/kWh. Katumbas ito ng ₱352 na dagdag sa buwanang bill ng mga pamilyang kumokonsumo ng 200 kWh.