-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Trahedya ang sinapit ng isang pamilya sa Barangay Landan, Polomolok, South Cotabato matapos tamaan ng kidlat sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Martes ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si alyas Rio, 15-anyos, residente ng Purok Kalyong sa nasabing barangay. Sugatan naman ang ama ng binatilyo na si Jun Masalon at tatlo pang kamag-anak nito.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ginang Felissa Labua, lola ng biktima, nag-aani umano ng mais ang magkakamag-anak nang abutan ng malakas na ulan.

Dahil dito, napilitan silang sumilong sa isang bahay-kubo upang makapagpahinga at uminom ng kape.

Ayon kay Ginang Labua, habang nagpapahinga, bigla umanong kumidlat at tinamaan ang grupo. Tumilapon si Rio na siyang labis na napuruhan at agad na nawalan ng malay.

Agad silang isinugod sa Polomolok Municipal Hospital, subalit idineklara ring dead on arrival ang binatilyo.

Kinumpirma naman ni Punong Barangay Rebecca J. Diali sa Bombo News Team na mabilis na rumesponde ang mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) at mga first responders upang tulungan ang mga biktima.

Sa ngayon, nagpapagaling pa ang mga sugatan habang dinala na sa punerarya ang labi ng binatilyo.

Nanawagan si Kapitan Diali sa mga residente na iwasan ang pananatili sa bukas na lugar tuwing may malakas na ulan at pagkulog, lalo na ang mga magsasaka at trabahador sa bukid, upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.