-- ADVERTISEMENT --

Diskwalipikado na si International Criminal Court (ICC) Chief Prosecutor Karim Khan sa paghawak ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos magpasya ang mga hukom ng ICC Appeals Chamber na may posibleng conflict of interest sa kanyang partisipasyon.

Ang desisyon ay isa na namang malaking dagok kay Khan, na pansamantalang umatras noong Mayo habang iniimbestigahan ng United Nations ang umano’y sexual misconduct na kinasasangkutan niya.
Ngayon, tuluyan na siyang pinagbawalan na lumahok sa kaso ni Duterte — isa sa pinakamalalaking aktibong kaso sa ICC na kasalukuyang humaharap din sa mga parusang ipinataw ng Estados Unidos

Noong Agosto, hiniling ng kampo ni Duterte na madiskwalipika si Khan dahil sa umano’y pakikialam niya sa mga komunikasyon ng mga biktima ng war on drugs sa ICC, na nakikita bilang malinaw na conflict of interest.
Ayon sa depensa, hindi dapat pahintulutan si Khan na manatiling bahagi ng kaso dahil noon pa man ay kinatawan niya ang Commission on Human Rights (CHR) sa pagtukoy kay Duterte bilang pangunahing suspek, kaya’t hindi umano siya makakapagpatakbo ng patas na imbestigasyon.

Tinangka ni Khan na ipawalang-bisa ang petisyon ng depensa, iginiit niyang “walang conflict of interest” sa kanyang dating representasyon sa CHR at sa grupo ng mga biktima na nakipag-ugnayan sa ICC.


Gayunpaman, noong Oktubre 2, pinaboran ng Appeals Chamber ang panig ng depensa at naglabas ng desisyong nagsasabing maaaring magmukhang may kinikilingan si Khan dahil sa kanyang dating tungkulin, dahilan upang siya ay madiskwalipika sa kaso.

Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang opisina ng ICC Prosecutor kaugnay ng desisyon.

Si Duterte, na nagsilbing Pangulo ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022, ay naaresto at dinala sa The Hague noong Marso dahil sa mga kasong pagpatay kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga na nagresulta sa libo-libong pagkamatay ng mga pinaghihinalaang tulak at gumagamit ng droga.


Mariing itinanggi ni Duterte ang legalidad ng kanyang pagkakaaresto, na tinawag niyang “kidnapping” o iligal na pagdakip.

Sa kasalukuyan, ang kaso ay pinangungunahan ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, na siya ring napasailalim sa parusa ng Estados Unidos dahil sa imbestigasyon ng ICC sa mga umano’y krimen sa Gaza na kinasasangkutan ng Israel.

Noong nakaraang Nobyembre, naglabas ng arrest warrants ang mga hukom ng ICC laban kina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, dating Defense Chief Yoav Gallant, at Hamas leader Ibrahim al-Masri dahil sa umano’y mga krimen ng digmaan at krimen laban sa sangkatauhan sa Gaza conflict.

Bukod dito, noong Agosto ay iniutos ng ICC kay Khan na umalis din sa imbestigasyon sa Venezuela dahil sa ugnayan ng kanyang sister-in-law, na isang abogado ng pamahalaan ni Venezuelan President Nicolas Maduro, na nakita ring posibleng conflict of interest.

Samantala, sa patuloy na imbestigasyon hinggil sa umano’y sexual misconduct, itinanggi ng mga abogado ni Khan ang lahat ng paratang laban sa kanya.