-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi ni Leyte 1st District Representative Martin Romualdez ang mga alegasyon na mayroong umano’y maletang puno ng pera na ipinadadala mula sa mga anumalyosong flood control projects.

Ang pagtangging ito ay ibinunyag sa harap ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ayon sa Executive Director nitong si Brian Keith Hosaka.
Sa unang pagkakataon, humarap si Romualdez sa nasabing komisyon ngayong Oktubre 14, 2025, upang sagutin ang mga paratang na nag-uugnay sa kanya at sa ilang opisyal sa umano’y iregular na proyekto sa imprastruktura.

Batay sa ulat, nagsimula ang isyu mula sa pahayag ng isang security consultant ng Ako Bicol Party-list na si Orly Guteza, na nagsabing may mga “basura” umanong dinadala sa mga tahanan ng pamilya Co at Romualdez.
Sa naturang pahayag, ang salitang “basura” ay ginamit umano bilang koda o patago sa perang nakapaloob sa mga maleta na sinasabing galing sa pondo ng flood control projects.

Mariing itinanggi ni Romualdez ang naturang akusasyon at iginiit na ito ay walang katotohanan. Ayon sa kanya, layunin lamang umano ng mga nagpapakalat ng naturang isyu na siraan ang kanyang pangalan at reputasyon bilang mambabatas.
Dagdag pa niya, handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICI upang patunayan ang kanyang kawalang-kasalanan at upang malinawan ang publiko sa mga maling impormasyon na kumakalat.

Inaasahan namang muling haharap si Romualdez sa ICI sa susunod na linggo para sa pagpapatuloy ng pagdinig, kung saan inaasahan ding ipiprisinta ng komisyon ang mga karagdagang dokumento at testimonya kaugnay ng kontrobersyal na isyu.