-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umabot na sa mahigit 30 indibidwal ang dinala sa South Cotabato Provincial Hospital matapos makaranas ng panic attack at iba pang sintomas ng pagkataranta kasunod ng magnitude 7.6 na lindol na yumanig sa malaking bahagi ng Mindanao kagabi.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Intensity 5 ang naitala sa Lungsod ng Koronadal, habang Intensity 4 naman ang naramdaman sa ilang bayan ng South Cotabato, kabilang ang Tupi, Tantangan, at Banga.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Officer (CDRRMO) Cyrus Urbano, karamihan sa mga isinugod sa ospital ay mga estudyante at empleyado na nakaranas ng hirap sa paghinga, pagkahilo, at matinding kaba habang tumatagal ang pagyanig.

Agad namang rumesponde ang mga rescue team at medical personnel upang mabigyan ng paunang lunas ang mga biktima.

Wala namang naiulat na nasawi o malubhang nasaktan sa insidente.

Samantala, suspendido ang klase at trabaho sa Lungsod ng Koronadal ngayong araw, Oktubre 10, 2025, bilang pag-iingat at upang maisagawa ang inspeksiyon sa mga gusali at paaralan matapos ang malakas na lindol.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang damage assessment ng CDRRMO sa mga pampublikong gusali, paaralan, at iba pang estruktura upang matukoy ang lawak ng pinsala dulot ng pagyanig.

Patuloy namang nagbabantay ang mga awtoridad sa posibleng aftershocks, at muling pinayuhan ang publiko na manatiling kalmado, huwag magpanik, at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.