-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang pagkansela ng lisensya ng driver na sangkot sa insidente ng pambangga sa isang estudyanteng motorista sa Teresa, Rizal.

Ang kautusan ay tugon sa direktiba ng Pangulo na panagutin ang mga iresponsableng driver na naglalagay sa panganib ng buhay ng mga kapwa motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.

Batay sa viral video sa social media, makikitang sinadyang banggain ng suspek ang motorsiklo ng estudyante matapos umano nitong magasgasan ang kanyang sasakyan.

Ayon kay Secretary Lopez, inatasan na niya ang Land Transportation Office (LTO) na hanapin ang naturang driver at tuluyang bawiin ang lisensya nito habambuhay.

Yang driver na ‘yan, walang karapatang magmaneho sa kalsada. Kahit pa nasagi ang kanyang sasakyan, hindi tama na habulin at bundulin ang estudyante,” galit na pahayag ni Lopez.

Dagdag pa ng kalihim, “No amount of explanation can justify his actions. Mas may edad siya, kaya dapat alam niya kung ano ang tama.”

Nakatakda ring makipagpulong si Secretary Lopez sa pamilya ng biktima, at magbibigay ang DOTr ng abogado para tulungan sila sa pagsasampa ng kaso laban sa driver.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa kapulisan, habang inaasahang maglalabas ng show cause order ang LTO ngayong araw laban sa naturang driver.