KORONADAL CITY – Boluntaryong sumuko sa mga sundalo ng 38th Infantry “We Clear” Battalion ang limang dating miyembro ng rebeldeng grupo—tatlo mula sa Communist Terrorist Group (CTG) at dalawa mula sa Local Terrorist Group (LTG).
Isinuko rin ng mga nagbalik-loob ang kanilang mga armas kabilang ang dalawang (2) homemade M79 grenade launchers, dalawang (2) M1 Carbine rifles, at isang (1) M653 rifle, kasama ang mga magasin at bala nito.
Pormal silang ipinrisinta ng Intel Platoon at Bravo “Brahman” Company sa Commanding Officer ng 38IB na si LTC Erwin E. Felongco, INF (GSC) PA.
Ayon sa ulat, ang dalawang LTG returnees ay dating kasapi ng dismantled DI-Maguid Group, habang ang tatlong CTG members ay mula sa GF73 (DGF MUSA) FSMR.
Bilang paunang tulong, nagkaloob ang 38IB ng cash assistance at tig-isang sako ng bigas sa mga sumukong rebelde.
Sa pahayag ni LTC Felongco, pinuri nito ang desisyon ng mga nagbalik-loob na talikuran ang karahasan at piliing mamuhay nang payapa.
Ang inyong pagbabalik ay tagumpay hindi lang para sa inyong pamilya kundi para sa buong komunidad. Patunay ito na posible ang kapayapaan kung pipiliin natin ang diyalogo at pagkakaisa,” ani Felongco.
Patuloy namang nananawagan ang 38th Infantry Battalion sa iba pang kasapi ng CTG at LTG na magbalik-loob sa pamahalaan upang makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.