-- ADVERTISEMENT --

Magbebenta ang pamahalaan ng P20 kada kilo na bigas sa mga lugar sa Visayas na matinding naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ayon sa kalihim, tatagal nang hindi bababa sa isang buwan ang programang ito bilang agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol na yumanig sa Bogo City, Cebu nitong Martes ng gabi.

Giit ni Laurel, “Food secure tayo sa ngayon. May sapat tayong suplay.” Dagdag pa niya, ipinag-utos na rin niya ang pagbebenta ng P20 kada kilo na bigas sa iba pang tinamaan ng lindol, kabilang ang Masbate at Eastern Samar, upang makatulong sa mabilis na recovery.

Samantala, tiniyak naman ng Department of Agriculture na handa rin silang magbigay ng ayuda para sa mga magsasakang naapektuhan, habang inaantabayanan pa ang inisyal na ulat hinggil sa pinsala sa sektor ng agrikultura at mga farm-to-market roads.

Idineklara na rin sa ilalim ng state of calamity ang buong lalawigan ng Cebu, kung saan mahigit 69 ang naitalang nasawi at daan-daan ang sugatan.

Patuloy pang bineberipika ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang kabuuang bilang ng mga nasawi at pinsala.