KORONADAL CITY – Tatlong magkahiwalay na operasyon ang ikinasa ng kapulisan sa Surallah, Tantangan, at T’boli, South Cotabato nitong Setyembre 29, 2025, na nagresulta sa tatlong pag-aresto at pagkakakumpiska ng iligal na droga at mga drug paraphernalia.
Dakong alas-6:18 ng umaga, sinalakay ng mga pulis ang tahanan ni alyas Raf-raf sa Barangay Cabuling, Tantangan sa bisa ng Search Warrant No. 0300-2025-TN. Nasamsam mula sa kanya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na halos 0.2 gramo, tatlong aluminum foil, isang pouch na may karagdagang foil, at dalawang improvised na tooters na may residue.
Samantala, alas-8:30 ng umaga, naaresto naman si alyas Milk, 32-anyos na driver, sa Barangay Libertad, Surallah. Siya ay may kasong Less Serious Physical Injuries sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng MCTC Banga-Tantangan.
Habang bandang alas-11:30 ng umaga, kusang loob na sumuko si alyas Boboy, 38-anyos, residente ng Barangay Malugong, T’boli. May apat na warrant of arrest laban sa kanya dahil sa kasong Slight Physical Injuries.
Lahat ng nakumpiskang ebidensya ay maayos na na-inventory at na-turn over sa kustodiya ng pulisya.
Ayon sa PNP, patunay ang mga matagumpay na operasyon na seryoso silang labanan ang droga at kriminalidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa South Cotabato.