Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang lalaki na may dalawang (2) warrant of arrest matapos maaresto sa checkpoint operation ng South Cotabato Provincial Highway Patrol Team (HPG-SoCot) sa kahabaan ng National Highway, Barangay Paraiso, Koronadal City, nitong Lunes ng hapon, Setyembre 29, 2025.
Kinilala ang suspek na si Rolly De Guzman Sumbillo, alyas “Wado”, 42-anyos, freelancer at residente ng Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat, pinara ng mga awtoridad ang isang Mitsubishi Mirage na kulay Titanium Gray Metallic na may plakang LAK 5049 dahil sa mga paglabag tulad ng hindi pagsunod sa traffic officer, kawalan ng lisensya, at bigong pagprisinta ng dokumento ng pagmamay-ari ng sasakyan, alinsunod sa RA 10883 o Anti-Carnapping Law.
Sa beripikasyon ng PNP E-Warrant System, lumabas na may nakabinbin na dalawang kaso laban kay Sumbillo: isa para sa Theft sa Branch 3, 11th Judicial Region, General Santos City, at isa pa para sa Estafa sa 12th Judicial Region, Isulan, Sultan Kudarat.
Agad siyang dinala sa kustodiya ng HPG-SoCot para sa kaukulang disposisyon.
Pinangunahan ang operasyon ni PLT Juanito T. Paparon Jr., Provincial Team Leader, bilang bahagi ng pagpapatupad ng RA 10883 (Anti-Carnapping Law), RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code), at iba pang kaugnay na batas.