Umabot sa halos 60 pamilya o tinatayang 200 indibidwal na mga kasapi ng Indigenous People (IP) ang nawalan ng tirahan matapos ang isinagawang demolisyon ng mga bahay sa Sitio Atbangan, Barangay Tubeng, Tupi, South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Purok Chairman Renel Sila sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Sila, ang operasyon ay nauwi sa kaguluhan, nagdulot ng pinsala at pagkakaaresto sa ilang residente dahil tumaas ang tensiyon sa pagitan ng mga residente at awtoridad matapos ang biglaang pagdating ng mga pulis upang ipatupad ang demolisyon.
Dahil dito, ilang indibidwal ang nasaktan habang may ilan ding dinala at inaresto ng kapulisan.
Nakuhan naman ng video ni Michaella Bodyang Dalig ang kaguluhan kung saan nagsimula ito sa pag-resist ng mga residente na sumunod sa mga pulis.
Ito ay dahil tumutol ang mga residente sa operasyon, na nagdulot ng sigawan, pagtutol, at ilang pisikal na sagupaan.
Ang matinding tensiyon sa pagitan ng mga awtoridad at mamamayan ay nag-udyok sa masinsinang interbensyon ng pulisya upang maibalik ang kaayusan sa lugar.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Sila pamahalaang panlalawigan ng bayan ng Tupi at maging sa provincial government ng South Cotabato na mamagitan upang maresolba ang sitwasyon.
Maliban dito, hiling din nila ang relocation dahil nawala ang kanilang mga tahanan at wala na silang malilipatan.
Napag-alaman na matagal na ang alitan sa lupa sa nabanggit na lugar dahil isinusulong ng mga residente na lupa ng kailang ninuno ang kanilang tinitirhan.