Nadiskubre ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang umano’y iregularidad sa ₱96.5-milyong flood control project sa may Culaman Bridge, bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental, na pinondohan noong 2021 hanggang 2022.
Personal na ininspeksyon ni DPWH Secretary Vince Dizon ang naturang proyekto at labis ang kanyang pagkadismaya nang madatnan na halos walang natapos at tila kasisimula pa lamang ang konstruksyon, sa kabila ng katotohanang fully paid na umano ang proyekto.
Hindi naman naiwasang magmura ni Secretary Dizon sa nadiskubre at inatasan si District Engineer na si Rodrigo Larete na isumite ang lahat na dokumento ng mga proyekto sa kanilang distrito.
Inamin naman ni Larete na nakatanggap na ng buong bayad ang contractor na St. Timothy Construction Company, na pag-aari ng pamilya Discaya, kahit wala pang malinaw na progreso sa naturang flood control project.
Dagdag pa ng ilang residente, matagal na nilang hinihintay ang pasilidad na sana’y magsisilbing proteksyon laban sa pagbaha sa kanilang komunidad at kalapit na paaralan. Sa halip, wala pa silang nakikitang konkretong resulta hanggang ngayon.
Patuloy na iniimbestigahan ng DPWH ang nasabing proyekto at tiniyak ng Kalihim na pananagutin ang sinumang mapatunayang sangkot sa anomalya.