Nawasak ang isang tahanan matapos matumbahan ng malaking puno ng niyog sa Purok 2, Barangay Crossing Rubber, Tupi, South Cotabato,kagabi.
Batay sa ulat ng mga residente, bumagsak ang puno habang malakas ang hangin at may kasabay na pag-ulan. Sa lakas ng impact, tuluyang gumuho ang bubong at dingding ng bahay na yari lamang sa light materials.
Sa kabutihang palad, walang naiulat na nasaktan dahil nakalabas agad ang mga nakatira bago pa man tuluyang magiba ang kanilang tahanan.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga opisyal ng barangay upang tumulong sa paglilinis at pag-aayos, habang tiniyak ng lokal na pamahalaan na mabibigyan ng kaukulang ayuda at pansamantalang matutuluyan ang apektadong pamilya.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga otoridad ang mga residente na maging alerto at mag-ingat, lalo na ngayong panahon ng masamang lagay ng panahon, upang maiwasan ang kaparehong insidente.












