-- ADVERTISEMENT --

Sa pagpapatuloy ng pagdinig, pinatawan din ng contempt ang dating district engineer ng Bulacan 1st Engineering Office na si Henry Alcantara.

Inihain ang mosyon ni Senador Erwin Tulfo matapos niyang mapansin na panay ang pagtuturo ni Alcantara sa iba at mariing iginiit na wala siyang kinalaman sa mga umano’y ghost projects sa Bulacan. Ayon kay Tulfo, tila pilit na iniiwasan ni Alcantara ang kanyang pananagutan at hindi nagbibigay ng tuwirang kasagutan sa mga tanong ng mga senador.

Paliwanag naman ni Alcantara, ang mga proyektong kanilang ipinatutupad ay yaong malinaw na nakapaloob lamang sa GAA (General Appropriations Act). Aniya, wala siyang kapangyarihan o kinalaman sa mga proyektong hindi nakalista sa pambansang pondo.

Ngunit giit ni Tulfo, hindi ito katanggap-tanggap at imposible raw na maisakatuparan ng mga tauhan ni Alcantara ang mga proyektong ito nang walang direktang pahintulot o pirma mula sa kanya bilang district engineer. Dahil dito, ipinataw ng komite ang contempt laban kay Alcantara at agad siyang ipina-custody sa Senado.

Dagdag pa ni Tulfo, mananatili sa Senate detention facility si Alcantara hanggang hindi siya nagsasabi ng buong katotohanan at nakikipagtulungan sa imbestigasyon hinggil sa bilyon-bilyong pisong anomalya sa mga flood control projects sa Bulacan.