TANTANGAN, SOUTH COTABATO – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa aksidenteng kinasangkutan ng isang pampasaherong tricycle at isang hindi pa nakikilalang SUV sa Purok 1, Barangay Dumadalig, Tantangan, South Cotabato kahapon ng umaga.
Sa panayam kay PMaj. Romeo Albano Jr., hepe ng Tantangan Municipal Police Station, lumabas sa kanilang imbestigasyon na pasado alas-8:30 nang masagi o na-side swipe ng SUV ang tricycle na minamaneho ni Jeric Albento, 38 anyos, residente ng Barangay Tambak, Lambayong, Sultan Kudarat. Sakay nito ang kanyang mga tiyuhin at tiyahin na sina Edgar at Judith Albento, na kapwa taga-Lambayong din.
Ayon kay Albano, dahil sa lakas ng pagkakasagi ay tumilapon ang mga pasahero, habang mabilis namang tumakas ang SUV matapos ang insidente. Agad na isinugod sa Tamondong Hospital sa Tacurong City ang mga biktima, ngunit idineklara nang dead on arrival si Judith Albento, habang patuloy na ginagamot ang kanyang asawa at pamangkin.
Dagdag ni Albano, umiiral ang 40 kph speed limit sa Tantangan at may mga enforcer na nakatalaga upang mabawasan ang vehicular accidents. Gayunman, nilinaw niyang hindi lahat ng kalsada ay sakop ng monitoring, dahil mas nakatuon ang pagbabantay sa mga paaralang nasa kahabaan ng national highway kung saan dumaraan ang maraming estudyante.
Sa ngayon, patuloy pang kinukumpirma ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng SUV na sangkot sa insidente.
Hustisya naman ang sigaw ng anak ng mag-asawang Albento at humihingi ng tulong sa publiko na matunton ang sasakyan at ang driver upang mapanagot sa nangyari.
Samantala, muling pinaalalahanan ng pulisya ang mga motorista na maging maingat at magdahan-dahan sa pagmamaneho, lalo na sa mga lugar na madalas na pinangyayarihan ng aksidente.