Pinaboran ng korte ang hiling ni Elias Lintucan at ng kanyang banda matapos igrant ang kanilang mosyon para sa preliminary injunction kaugnay sa kontrata nila sa talent manager na si Beverly Labadlabad.
Kinumpirma ni Atty. Israelito Torreon ng The Law Firm of Torreon and Partners, na epektibo ang kautusan habang dinidinig pa ang kaso, kaya’t hindi na maaaring makialam si Labadlabad sa anumang professional affairs ni Elias at ng kanyang grupo.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nagsampa ng civil case si Elias at ang kanyang banda na Elias J T.V upang ideklarang walang bisa ang kanilang “Artist Management Agreement.”
Kabilang sa kanilang hinihiling ang Declaration of Nullity of Contract/and or Cancellation of Contract, Accounting of Damages, and Attorney’s Fees with Prayer for Issuance of TRO/and or Preliminary Injunction.
Sa inilabas na resolusyon ng Regional Trial Court Branch 17, pinayagan ang hiling ng kampo ni Elias subalit inatasan silang maglagak ng injunction bond na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Ang kautusan ay nilagdaan ni Presiding Judge Arvin Sadiri Balagot at inilabas nitong Martes, Setyembre 16, 2025.
Maaalalang naging malaking usapin ang di pagkakaunawan sa pagitan nina Elias at ng kanyang talent manager dahil sa ibat-ibang issue na nagresulta sa pagsampa ng kaso.