-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang damage assessment sa pinsalang iniwan ng sunod-sunod na pag-ulan sa bayan ng Norala, South Cotabato. Ito ang kinumpirma ni Mayor Clemente Fedoc ng bayan ng Norala sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Fedoc, nakaranas ng baha ang Purok Malaya ng Barangay Tinago at Purok Garido ng Barangay Dumaguil matapos umapaw ang drainage canal na hindi nakayanan ang bugso ng ulan kung saan ilang kabahayan din ang naapektuhan at may mga natumbang puno sa lugar.

Maliban dito may mga pananim ng mga magsasaka din na sinira ng malakas na hangin at malakas na buhos ng ulan. Samantala, dahil sa paglambo ng lupa dulot ng palagiang pagbuhos ng ulan ay bumigay rin ang halos 20 metrong bahagi ng pader ng Norala National High School.

Inihayag pa ni Mayor Fedor na naipaabot na rin sa kanya ang impormasyon kung saan lumabas sa initial assessment na marupok ang pundasyon ng pader kaya’t hindi nakayanan ng bigat ng lupa dulot ng malakas na ulan.

Sa katunayan, nakunan pa ng CCTV footage ang pagbagsak nito at mabuti na lamang at walang nasaktan sa insidente.

Nakipag-ugnayan na si Mayor Clemente Fedoc sa pamunuan ng paaralan at nangakong tutulong ang LGU Norala sa agarang pagsasaayos nito.