KORONADAL CITY – Pabor si Congressman Ferdinand Hernandez ng 2nd District, South Cotabato sa binuong independent commission na magsisiyasat sa umano’y korupsiyon at iregularidad sa mga flood control projects.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, iginiit ni Hernandez na makabubuti ang pagkakaroon ng komisyon dahil kung sa House at Senate lamang isasagawa ang imbestigasyon, maaaring manatili ang pagdududa ng publiko na hindi patas ang proseso.
Dagdag pa ng kongresista, nakapagtataka na noong 16th hanggang 18th Congress ay napakahirap makakuha ng pondo para sa flood control lalo na sa Mindanao, subalit pagdating ng 19th Congress ay tila napakadali na lamang maglaan ng budget para rito.
Giit ni Hernandez, kung siya ang magiging proponent ng proyekto, dapat ito ay maayos na coordinated sa mga LGU bago ang implementasyon upang maiwasan ang tinatawag na “ghost projects.”
Samantala, bukas din si Congressman Hernandez na sumailalim sa lifestyle check bilang bahagi ng pagpapatibay sa kredibilidad ng kanyang paninindigan laban sa katiwalian.
Bukod dito, isinusulong din ng mambabatas ang patas na allocation ng budget hindi lamang para sa flood control kundi maging sa iba pang programa sa lahat ng probinsya.
Aniya, mas malalaki ang pondong inilaan sa Luzon at Visayas kumpara sa Mindanao, kaya’t tungkulin ng mga kongresista na maging mas maingay at masigasig sa pagsusulong ng pangangailangan ng kanilang constituents