-- ADVERTISEMENT --

Nakaramdam ng takot at pangamba ang ilang Pinoy sa Doha, Qatar matapos ang biglaang airstrike na inilunsad ng Israel sa isang gusali na umano’y ginagamit ng mga senior Hamas officials.

Kinumpirma ito ni Ms. Kim Peliño, Bombo International Correspondent sa Qatar, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon sa kanya, inako ng Israeli military at Shin Bet security agency ang pag-atake at sinabing target ang mga lider ng Hamas na responsable sa masaker noong Oktubre 7.

Maging siya ay nakarining ng pagsabog dahil nasa trabaho siya nang mangyari ang pag-atake.

Sa katunayan, malapit din sa Philippine embassy at iba pang embahada ng ibang mga bansa ang pinangyarihan ng pagsabog.

Gumamit umano ng precise munitions at intelligence upang mabawasan ang pinsala sa mga sibilyan.

Idineklara naman ni Prime Minister Benjamin Netanyahu na ito ay isang independent Israeli operation.

Sa ulat, pinaniniwalaang kabilang sa mga nasa gusali sina Khalil al-Hayya, deputy leader ng Hamas political bureau, at Zaher Jabarin, isa pang senior official.

Sa ngayon, balik normal na ang sitwasyon sa Doha ngunit hinigpitan ang seguridad at pinaiingat pa rin ang mga Pinoy at mga residente doon.