-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng pagkadismaya si Davao City First District Representative Paolo Duterte sa biglaang paglipat ng usapan sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.

Ayon kay Duterte, malinaw na may ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at resource persons na umaming nagbigay sila ng payola sa ilang government officials.

Ngunit sa halip na panagutin ang mga sangkot, bigla aniyang na-divert ang usapan at itinuro pa ang 51 bilyong pisong budget para sa Davao City noong administrasyon ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit ni Congressman Duterte, ginagamit umano ang kanyang pamilya at ang Davao bilang “panakip-butas” para mailihis ang usapin sa tunay na isyu ng katiwalian.

Hinamon pa niya ang mga kongresista na ipakita sa taumbayan ang kani-kanilang budget at proyekto sa distrito upang makita kung sino ang tunay na nagseserbisyo at sino ang nangungurakot.

Dagdag pa ng kongresista, bukas ang Davao sa anumang imbestigasyon, at handang ipakita ang mga rekord at aktwal na proyekto na malinaw aniyang naipatayo at nagagamit ng mga mamamayan.

Tinuligsa rin niya ang umano’y selective investigation ng House Committee on Infrastructure at nanawagan na ituon ang atensyon sa mga isyung may kinalaman sa flood control anomalies, payola sa DPWH, at iba pang malalaking kontrobersiya gaya ng PhilHealth at Maharlika Fund.

Sa dulo ng kanyang pahayag, binigyang-diin ni Duterte na huwag idawit ang kanilang pamilya para lamang pagtakpan ang korapsyon ng iba, at iginiit na “Davao has nothing to hide.”