-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Mariing kinondena ng Koronadal City PNP ang ginawa ng isang vlogger na umakyat sa roundball, isa sa mga kinikilalang kultural at makasaysayang simbolo ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Police Lt. Col. Peter Pinalgan Jr., hepe ng Koronadal City PNP, na malinaw na pagpapakita ito ng kawalan ng respeto sa mga lugar na may malaking kahalagahan sa kasaysayan at kultura.

Ayon kay Pinalgan, hindi lamang ang mga vlogger kundi pati na rin ang lahat ng mamamayan ay may tungkuling pangalagaan at igalang ang mga ganitong istruktura.

Dagdag pa nito, may kaakibat na penalidad ang ganitong uri ng aksyon at posibleng managot ang sinumang lalabag.

Aniya, magsisilbi sana itong babala upang wala nang ibang sumunod pa sa maling ginawa ng nasabing vlogger.

Kasabay nito, nananawagan ang pulisya sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at iwasan ang paggawa ng content na maaaring makasira o makapagpakita ng kawalang-galang sa mga pampublikong pasilidad at heritage sites.

Binigyang-diin din ng opisyal na ang roundball at iba pang pasilidad sa lungsod ay hindi lamang palamuti kundi nagsisilbing simbolo ng pagkakakilanlan at kasaysayan ng mga taga-Koronadal.