-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Tinututukan ngayon ng imbestigasyon ang mga municipal officials na umano’y sangkot sa illegal hydraulic mining o “banlas” sa bayan ng Tampakan.

Kaugnay nito, magbibigay ng reward money ang Lokal na Pamahalaan ng Tampakan sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga sangkot.

Ito ang inihayag ni Mayor Leonard “Junjun” Escobillo sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Escobillo, nakalaan ang mga gantimpala para sa mga sumusunod:

₱50,000 para sa mga sangkot na Municipal Officials; ₱30,000 para sa sangkot na PNP, AFP, at iba pang uniformed personnel; ₱25,000 para sa sangkot na mga Barangay Officials; at ₱25,000 para sa mga sangkot na Municipal Employees.

Binigyang-diin ng alkalde na mang-gagaling sa kanyang personal na pundo ang gantimpala na ibibigay habang mahaharap naman sa mabigat na parusa ang sinumang mapatunayang sangkot sa banlas, opisyal man o pribadong indibidwal.

Napag-alaman din mula kay Escobillo na bumuo na sila ng Local Task Force na tututok sa pagsugpo sa ilegal na operasyon. Dahil dito, may mga naaresto na sa ikinasang raid kamakailan.

Maliban dito, nakapagsampa na rin ng kaso ang DENR-MGB laban sa ilang na-identify na indibidwal kabilang na ang ilang financier.

May mga ulat din na may sibilyang kapitalista at ilang opisyal ng pamahalaan na sangkot sa pagbili ng ginto mula sa banlas upang ipagawa ng mga singsing at alahas.

Hinikayat naman ng alkalde ang publiko na magsumbong ng anumang impormasyon sa kanya kung saan tiniyak niyang mananatiling confidential ang lahat.

Samantala, kinumpirma din ng alkalde na malawakan na ang pinsala sa kabundukan ng Tampakan dulot ng patuloy na ilegal na operasyon. Nagdulot na rin ito ng landslide at pagbaha kung saan may mga nasawi na noong mga nakaraang insidente.