-- ADVERTISEMENT --

Arestado ang isang district engineer ng Department of Public Works and Highways matapos mahuli sa isinagawang entrapment operation dahil sa umano’y panunuhol sa isang batang kongresista.

Ayon sa ulat, inalok ni DPWH Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo si Batangas 4th District Representative Leandro Leviste ng tinatayang 5 hanggang 10 porsyento cut o katumbas ng P180 milyon hanggang P360 milyon mula sa mahigit P3.6 bilyong flood control at infrastructure projects na nakalaan na sa 2025 budget. Kapalit nito, hihinto umano ang imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng proyekto sa kaniyang distrito.

Hindi lang dito nagtapos, mas malaki pa raw na 15 hanggang 20 porsyentong hati ang inialok ng engineer para sa mga proyekto sa 2026 budget, sabay pangalan ng mga kontraktor na handang magbigay ng “share” ng kongresista. Idinagdag pa ng opisyal na siya mismo ang tutulong mangolekta ng bayad, na tinawag niyang “standard operating procedure” sa DPWH.

Sa mismong pagkikita, naglatag umano ng P3.6 milyong cash ang engineer at nangakong magdadala pa ng P15 milyon kinabukasan. Ngunit imbes na mapasubo ang kongresista, dumating ang mga operatiba ng Philippine National Police at inaresto ang opisyal. Nasamsam din ang isang bag na puno ng pera at listahan ng mga proyekto ng DPWH.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang district engineer at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya sa provincial prosecutor’s office.

Ito ang kauna-unahang pag-aresto ng isang opisyal ng DPWH matapos ang matinding pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga sangkot sa katiwalian sa flood control projects, kung saan mariin niyang binitawan ang katagang, “Mahiya naman kayo!”