KORONADAL CITY – Isa ka balay ang partially damaged matapos ang pocket landslide sa Sitio Cabuling, Barangay Saravia, Koronadal City kagabi matapos ang halos magdamagang buhos ng ulan.
Kinilala ang nasirang bahay na pag-aari ng pamilya Reynante Gabasa, na nakaranas lamang ng minor damage.
Gayunman, apektado pa rin ang kanilang pamumuhay dahil sa insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Barangay Kagawad Greg Presga na nasa 12 pamilya ang dapat na lumikas dahil sa mataas na peligro ng landslide sa lugar. Pansamantalang lumikas kagabi ang ilang residente upang makaiwas sa posibleng trahedya.
Ayon kay Presga, may tulong na agad na naibigay ngayong umaga sa mga apektadong pamilya.
Iginiit din niya na mas mainam na mailikas o mairelocate na ang mga residente sa ligtas na lugar, lalo’t matagal nang itinuturing na high-risk ang naturang sitio.
Matatandaan na una nang nakaranas ng malalang landslide ang Brgy. Saravia, partikular sa Sitio El Gawell, ilang taon na ang nakalipas.
Paalala naman ng opisyal na mag-ingat at manatiling alerto ang lahat ng residente lalo na’t tuloy-tuloy pa rin ang pag-ulan sa lungsod.