Natagpuan na ang tatlong bata na mga mag-aaral sa Balutakay Elementary School sa Bansalan, Davao del Sur matapos silang tangayin ng rumaragasang tubig-baha.
Batay sa ulat ng mga otoridad, isa sa mga biktima na kinilalang si Alyas Jepoy ang kumpirmadong nasawi, habang dinala naman sa pagamutan ang dalawa pa niyang kasamahang menor de edad na kasalukuyang nagpapagaling.
Sa gitna ng insidente, nanawagan ang mga otoridad sa mga magulang at guardian na mahigpit na bantayan ang kanilang mga anak, lalo na ngayong panahon ng malalakas na pag-ulan at banta ng pagbaha.
Base sa impormasyon mula sa mga otoridad, natagpuan ang tatlong bata matapos ang isinagawang search and rescue operation sa bahagi ng barangay Balutakay, kung saan bigla na lamang umapaw ang tubig dahil sa walang tigil na buhos ng ulan.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang mga otoridad sa mga magulang at guardian na doblehin ang pagbabantay sa kanilang mga anak lalo na’t madalas ang malalakas na pag-ulan sa rehiyon na nagdudulot ng biglaang pagbaha.
Samantala, nagpahayag naman ng pakikiramay ang pamunuan ng paaralan at lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga biktima at tiniyak na magbibigay ng kinakailangang tulong at suporta.
Patuloy naman ang monitoring ng mga otoridad sa iba pang lugar na apektado ng sama ng panahon upang maiwasan ang pagkakaroon ng panibagong insidente.