-- ADVERTISEMENT --

Limang katao ang kumpirmadong nasawi, kabilang ang ilang Pilipino, habang mahigit apatnapu pa ang nasugatan matapos tumaob ang isang tour bus na bumibiyahe mula Niagara Falls pabalik ng New York City.

Ayon sa ulat ng pulisya, sakay ng bus ang 54 na pasahero mula China, India, Middle East, Pilipinas at Estados Unidos. Naganap ang insidente sa interstate highway, humigit-kumulang 40 kilometro silangan ng Buffalo, New York, nitong Biyernes.

Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng nadistract ang drayber at nawalan ng kontrol sa bus na bumibiyahe sa full speed, dahilan para ito’y lumihis sa kalsada at tumaob sa gilid. Wala namang ibang sasakyan na sangkot sa aksidente, at agad ding inalis ang posibilidad ng mechanical failure o health issue ng driver.

Kumpirmado ng Department of Foreign Affairs na kabilang sa mga nasawi at sugatan ang ilang Pilipino. Ayon sa DFA, mino-monitor ng Konsulado ng Pilipinas sa New York ang sitwasyon at nakahanda itong magbigay ng tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.

“Our thoughts and prayers go out to those affected by this incident,” ayon sa DFA. Idinagdag pa ng kagawaran na, bilang pagrespeto sa privacy ng mga indibidwal, hindi muna ilalabas ang iba pang detalye at direktang makikipag-ugnayan na lamang sa mga pamilya ng mga biktima.

Para sa mga biktima ng aksidente o kanilang kaanak, maaaring makipag-ugnayan sa Assistance-to-Nationals Hotline ng Konsulado sa New York sa numerong (917) 294-0196.

Tatlong helicopter ng Mercy Flight at tatlo pa mula sa ibang serbisyo ang ginamit sa agarang paglipat ng mga sugatan sa iba’t ibang ospital.

Samantala, tiniyak ni New York State Governor Kathy Hochul na naka-alerto ang lahat ng ahensya para sa pagsagip at pagbibigay ng tulong sa mga biktima. Nagsagawa rin ng panawagan ang blood and organ donor network na Connect Life para sa dagdag na blood donors.

Patuloy ang imbestigasyon ng National Transportation Safety Board sa sanhi ng aksidente.