-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpaliwanag si Provincial Engineer Lloyd Esparagosa kaugnay sa nakitang putol na bahagi ng riverbank protection project sa kahabaan ng Marbel River, Barangay San Roque, Koronadal City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Engr. Esparagosa, na totoong tapos na nag proyento ayon sa nakasaad sa website ng “Isumbong sa Pangulo” na natapos noong Disyembre 29, 2022. Ang nasabing Construction of Riverbank protection along Marbel river, Brgy San Roque, Koronadal City ay ginawa ng Abu Construction na nagkakahalaga ng P70,866,458.53.

Gayunman, sa isinagawang imbestigasyon, natuklasang may hindi natapos na bahagi na tinatayang 800 metro ng riverbank protection. Paliwanag ng provincial engineer, bahagi ito ng multi-year program at dapat sanang madugtungan. Subalit hindi ito naprioridad sa kasunod na alokasyon dahil mas inuna ang tulay sa downstream area na nanganganib masira tuwing may malalakas na pag-ulan.

Aniya, kapag nasira ang tulay ay posibleng maputol ang koneksyon ng mga residente, kaya’t iyon ang binigyang pansin sa 2025 allocation. Dagdag pa niya, natapos naman ang proyekto base sa plano, ngunit kailangan ng karagdagang pondo upang madugtungan ang kulang na bahagi ng riverbank protection.

Samantala, sa isa pang flood control project sa Barangay Namnama, Koronadal City na nakitaan ng mga bitak, nilinaw ni Esparagosa na normal lamang ito at hindi indikasyon ng pagkasira ng buong estruktura.

Regular umano itong mino-monitor at agad na kinokorek kung kinakailangan. Binigyang-diin ng provincial engineer na lahat ng flood control projects sa South Cotabato ay nakabatay sa hazard map at master plan ng probinsya, at bukas silang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon lalo na’t mainit ang isyu sa mga flood control projects ng gobyerno.