KORONADAL CITY – Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang pamilya ng yumaong si Bombo Bart Maravilla, isa sa 58 biktima ng karumal-dumal na Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009 sa Sitio Masalay, Ampatuan, Maguindanao. Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Janchiene Maravilla, anak ni Bombo Bart, na hindi katanggap-tanggap para sa kanilang pamilya ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-sala kay Datu Akmad “Tato” Ampatuan Sr. Aniya, halos 17 taon na mula nang maganap ang masaker, at umaasa sana silang ngayong taon sa ilalim ng Marcos administration ay maibigay na ang matagal na nilang hinihiling na full justice. Masakit umano para sa kanila na lumaki nang walang ama, at ngayong nakikita nilang napalaya ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit sila’y naulila, lalo lamang itong nagpapabigat sa kanilang kalooban. Dagdag pa niya, mas nakakadismaya na hanggang ngayon ay may mga sangkot sa krimen na hindi pa rin nadadakip. Matatandaan na pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA) na nag-abswelto kay Ampatuan. Ayon sa 10-pahinang desisyon na inilabas noong Enero 27, bagama’t napatunayang may kaalaman si Ampatuan sa planong pagpatay, walang sapat na ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa anumang “overt act” o hayagang pagkilos na magpapatunay ng kanyang aktibong pakikilahok sa sabwatan. Batay sa tala ng RTC, dumalo si Ampatuan sa mga pagpupulong noong Hulyo 20, Nobyembre 17, at Nobyembre 22, 2009 kung saan tinalakay ang planong pagpatay at nagpahayag pa ng suporta rito. Gayunman, wala umano siya sa lugar noong aktwal na naganap ang krimen noong Nobyembre 23, dahil nasa isang medical mission. Ipinunto ng korte na ang kanyang hindi pagdalo sa mismong insidente ay indikasyon na hindi siya tumalima sa plano. Dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya, siya ay napawalang-sala sa lahat ng 58 counts of murder batay sa prinsipyo ng reasonable doubt. Samantala, muling nanawagan ang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na sana’y maibigay na ang buong hustisyang kanilang pinaghihintay para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Home Local News Pamilya Maravilla, dismayado sa pagpawalang-sala ng Korte Suprema kay Datu Akmad Ampatuan...
Pamilya Maravilla, dismayado sa pagpawalang-sala ng Korte Suprema kay Datu Akmad Ampatuan kaugnay sa Maguindanao massacre
-- ADVERTISEMENT --