-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa aksidente na nagresulta sa pagkakaputol ng paa ng isang 18-anyos na rider matapos masangkot sa banggaan ng tatlong sasakyan pasado alas-8:00 kagabi, Agosto 18, 2025, sa Sitio Paghidaet, Barangay San Vicente, Banga, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Staff Sergeant Jojimar Nicmic, traffic investigator ng Banga PNP,  batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng biktimang si alyas “Jofrey”, residente ng Barangay Malaya, Banga, ang kanyang motorsiklo nang masagi nito ang kasalubong na truck na minamaneho ni alyas “Mudin”, 42-anyos, mula Koronadal City. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang motorsiklo ng biktima.

Kasunod nito, nabundol pa si Jofrey ng isa pang motorsiklo na minamaneho ni alyas “Ronron”, 18-anyos, na kapwa residente rin ng Barangay Malaya, Banga.

Dahil sa insidente, nagtamo ng matinding pinsala ang biktima na nagresulta sa pagkaputol ng kanyang paa. Agad siyang isinugod ng mga rumespondeng awtoridad sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas.

Samantala, ligtas naman ang driver ng truck habang dinala na sa Banga Municipal Police Station ang lahat ng sasakyang sangkot para sa kaukulang disposisyon.

Muli namang nanawagan ang mga otoridad sa bayan ng Banga sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang aksidente sa daan.