Humatong sa pagkasawi ng apat na miyembro ng New People’s Army ang magkahiwalay na engkwentro laban sa tropa ng Eastern Mindanao Command sa Malaybalay City at Barangay Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon.
Batay sa ulat, nakatanggap ng tip mula sa mga residente ang militar dahilan upang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng 3rd Scout Ranger Battalion, 1st Special Forces Battalion, 26th Infantry Battalion, 88IB, 8IB, at 4th Division Reconnaissance Battalion.
Sa naturang operasyon, napatay ang tatlong lalaki at isang babaeng rebelde habang nakarekober din ng mataas na kalibreng armas at iba pang war materials ang tropa.
Tiniyak naman ng militar na maayos na naiturn-over sa LGU, PNP at kaukulang ahensya ang mga labi ng mga nasawi upang maibalik sa kani-kanilang pamilya.
Giit ng EastMinCom, mananatili ang kanilang paninindigan na protektahan ang mga komunidad laban sa banta ng CPP-NPA kasabay ng pagtitiyak sa pagrespeto ng karapatang pantao at propesyonalismo sa kanilang operasyon.