-- ADVERTISEMENT --

Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang itinuturong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nahaharap sa patong-patong na kaso, matapos maaresto sa loob ng Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City.

Kinilala ni CIDG Public Information Office Chief Pmaj. Helen Dela Cruz ang suspek na si Ali Akbar, na may mga kasong murder at frustrated murder batay sa warrant of arrest na inilabas ng Maguindanao Regional Trial Court noong Setyembre 2024.

Ayon sa rekord ng pulisya, miyembro umano si Akbar ng BIFF–Karialan faction sa ilalim ng pamumuno ni Field Commander Zai. Kabilang siya sa 22 armadong kalalakihan na sangkot sa pananambang kina dating Barangay Councilor Andari Salin at Police Staff Sgt. Sianga Mansor, habang sakay ang mga biktima ng pickup truck papunta sa Barangay Mamasapano.

Nakalista rin ang suspek bilang No. 3 Provincial Most Wanted Person sa Maguindanao del Sur.

Pahayag ni Maj. Dela Cruz, matagal nang nasa ilalim ng operational research ng CIDG si Akbar at tinutugis sa tulong ng iba’t ibang yunit ng pulisya.

Samantala, pinuri ni CIDG Director Brig. Gen. Christopher Abrahano ang matagumpay na operasyon at tiniyak na magpapatuloy ang pagtugis sa mga wanted person na patuloy na umiiwas sa batas.