-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – May mga persons of interest nang tinutukoy ang mga imbestigador at nakakuha na rin ng mga CCTV footage kaugnay sa kaso ng pamamaril na ikinasawi ng isang retiradong kawani ng gobyerno at ikinasugat ng kanyang asawa sa Barangay Zone 2, Koronadal City.

Kinilala ang nasawi na si Engr. Kesse Junsan, 64-anyos, habang sugatan naman ang kanyang misis na si Maria Lourdes Miguel Junsan, 60-anyos, na kasalukuyang nasa stable na kalagayan. Kapwa sila residente ng Purok Everlasting, Dona Soledad, Barangay Zone 2.

Ayon kay Police Captain Marvin Rivera, tagapagsalita ng Koronadal City PNP, sakay ng isang Bajaj na motorsiklo ang dalawang suspek nang lapitan at paulanan ng bala ang mag-asawa habang nasa loob ng kanilang sasakyan. Mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa hindi matukoy na direksyon.

Batay sa imbestigasyon ng SOCO, caliber .45 na baril ang ginamit sa krimen, base sa mga basyo ng bala na narekober sa crime scene. Sumailalim din sa post-mortem examination ang biktimang si Junsan.

Narekober naman sa loob ng sasakyan ang mahigit P400,000 at iba pang personal na gamit, na na-turn over na sa anak ng mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon upang alamin ang motibo at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. 

Nakatakdang magsagawa ng case conference ang mga awtoridad upang mapabilis ang pagresolba sa kaso.