Umabot sa tatlo ang nasawi habang tatlo din ang sugatan sa nangyariing pananambang na nauwi sa sagupaan sa alas-8:40, Linggo ng umaga sa Linantangan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.
Ito ang kinumpirma ni PCapt. Guissepe Tamayo, tagapagsalita ng Maguindanao Del Sur Police Provincial Office sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Tamayo, sakay ng dalawang mini van na tinadtad ng bala ang mga biktima nang sila ay pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan.
Bago ang insidente, naiulat na may dalawang naglalabang grupo sa lugar na umabot pa hanggang Libutan, Mamasapano.
Kinilala ang mga nasawi na sina alyas Harry, alyas Obama, at alyas Alimasis, habang sugatan naman sina alyas Akbar, alyas Hab, at Kumander Malibutin.
Dagdag pa ni Polica Captain Tamayo, agad tumungo sa lugar ang provincial director at mga opisyal upang mapacify ang dalawang grupong sangkot mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) — ang 128th Base Command at 118th Base Command.
Pumagitna na rin ang PNP, AFP, at ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities–Ad Hoc Joint Action Group (CCCH-ADJAG) upang pigilan ang patuloy na tensyon.
Dagdag pa ni Captain Tamayo, patuloy ang pagsisikap ng mga awtoridad na maresolba ang mga rido at armadong tunggalian sa nasabing lugar.