-- ADVERTISEMENT --

Nagdaos ng Peace Rally ang Global Movement to Gaza (GMG) nitong Sabado, Agosto 9, sa Cotabato City bilang panawagan na wakasan na ang patuloy na karahasan at kaguluhan sa Palestine.

Tinaguriang “March for Gaza”, ang aktibidad ay bahagi ng pandaigdigang inisyatiba ng Global Movement to Gaza (GMTG) na layong magpakita ng matatag na suporta at pakikiisa sa mamamayang Palestino, lalo na sa gitna ng matinding krisis at humanitarian emergency na kanilang nararanasan.

Dumalo sa kilos-protesta ang iba’t ibang sektor kabilang ang mga lider-moro, kabataan, faith-based groups, civic organizations, at mga tagapagtaguyod ng kapayapaan mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Bitbit nila ang mga plakard at bandila ng Palestine, at sabay-sabay na nanawagan para sa ceasefire, paggalang sa karapatang pantao, at pagbibigay ng agarang tulong sa mga sibilyang apektado ng digmaan.

Ayon sa mga organizer, ang rally ay simbolo ng pagkakaisa ng Bangsamoro sa adhikain ng kapayapaan hindi lamang sa Mindanao, kundi sa buong mundo. Giit nila, bilang mga mamamayang nakaranas din ng dekada-dekadang armadong tunggalian, nauunawaan nila ang hirap at sakit ng mga Palestino, kaya’t nararapat lang na magbigay ng boses at suporta para sa kanilang laban.

Nagpahayag din ng mensahe ng pagkakaisa ang ilang kinatawan mula sa iba’t ibang peace advocacy groups, na nagsabing mahalagang ipagpatuloy ang mga ganitong pagkilos upang ipaalala sa pandaigdigang komunidad na hindi dapat balewalain ang nangyayaring krisis sa Gaza.