-- ADVERTISEMENT --

Itinuturing na isang “win-win solution” ng isang abogado ang pag-archive ng Senado na siya ring nagsisilbing impeachment court sa kasong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte. Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Jasper Kent Perez, isang private lawyer sinabi niyang kahit hindi nakuha ng magkabilang panig pro at anti-impeachment ang kanilang buong kagustuhan, maituturing pa rin itong makatarungan at maayos na hakbang.

Paliwanag ni Atty. Perez, nanaisin sana ng anti-impeachment camp na agad na i-dismiss ang kaso at sa pag-archive nito, hindi na ito natalakay sa Senado.

Sa kabilang banda, nais naman ng pro-impeachment na hindi basta-basta ibasura ang kaso, at sa halip ay manatiling bukas ang posibilidad na ito’y muling talakayin.

Dagdag pa ng abogado, ang pag-archive ay hindi tuluyang pagsasara sa kaso.

Maaaring balikan ito ng mga senador kung mareverse ng Korte Suprema ang naunang ruling na nagsasabing unconstitutional ang impeachment laban sa Bise Presidente lalo na’t hinihintay pa ang desisyon sa Motion for Reconsideration mula sa Mababang Kapulungan.