-- ADVERTISEMENT --

Nagpapagaling na ngayon ang sugatang pulis matapos na saksakin sa loob ng KCSC Compound sa Poblacion, Kidapawan City ng tatlong mga kalalakihan.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Police Corporal Mark Pun-an Cadungon, 38 taong gulang, at naka-assign sa Makilala Municipal Police Station sa Cotabato.

Batay sa paunang imbestigasyon, bigla na lamang umanong sinaksak ng suspek na si alyas “Jun-Jun” si Cadungon.

Matapos ang insidente, agad na tumakas ang suspek kasama ang dalawang miyembro ng CAFGU na kinilalang sina Harold Amador Santiago, 26 anyos, at Eleomar Daquipel Cane, 24 anyos, kapwa nakatalaga sa 40th Infantry Battalion.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis kung saan naaresto ang dalawang CAFGU members, subalit matagumpay na nakatakas ang mismong suspek sa pananaksak.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng krimen at tuluyang madakip ang tumakas na suspek.