-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng 6th Infantry Division (6ID) kaugnay sa pagkamatay ni Private Charlie Patigayon, 22 anyos, kaya’t pansamantalang ni-relieve sa kani-kanilang mga pwesto ang 21 personnel ng Army na kabilang sa platoong sangkot sa isinagawang “reception rites” noong Hulyo 30 sa kampo ng 6th Infantry Battalion sa Datu Piang, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Lt. Colonel Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID, kabilang sa mga sinibak ang dalawang opisyal, isang commanding officer at isang executive officer na may ranggong first at second lieutenant. Ang iba pa ay mga miyembro ng nasabing platoon na umano’y naroroon sa aktibidad kung saan nasawi si Patigayon.

Sa paunang ulat ng militar, kidney failure ang sanhi ng pagkamatay ng bagong sundalo. Subalit hindi isinasantabi ng pamunuan ng 6ID ang posibilidad ng maltreatment, kaya’t iniutos ni Major General Donald Gumiran ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung may paglabag sa protocols.

Tiniyak naman ni MGen. Gumiran na kung mapapatunayang may pananagutan ang mga sangkot, sasampahan sila ng kasong administratibo at sibil, at maaari ring tuluyang tanggalin sa serbisyo.

Si Patigayon ay kabubuo pa lamang sa hanay ng Army matapos nitong makapagtapos ng Candidate Soldier Course sa Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac.

Lubhang ikinalungkot ng kanyang pamilya ang pangyayari, lalo’t ilang buwan lamang matapos ang hirap ng basic military training ay agad na nasawi ang binata bago pa man makapagsimula sa aktwal na serbisyo.