-- ADVERTISEMENT --

Sugatan ang mag-ama matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa matukoy na mga suspek sa Barangay Kinilis, Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ng Polomolok PNP ang mga biktima na sina alyas Arnlfo, 46-anyos, isang NGO employee, at ang kanyang menor de edad na anak na si Harold, isang estudyante.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay ng motorsiklo ang mag-ama at pauwi na mula sa sakahan nang pagbabarilin sila ng suspek na umano’y nag-aabang na sa daan.

Tinamaan sa paa ang parehong biktima ngunit nagawa pa rin nilang makatakas at agad na dinala sa ospital kung saan sila ngayon ay nagpapagaling.

Nakilala naman ang suspek sa alyas Ramon, na ayon sa pulisya ay kilala ng mga biktima.

Tinutukoy ngayon ng mga imbestigador ang personal na alitan bilang posibleng motibo ng pamamaril.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng Polomolok PNP para maaresto ang salarin at mapanagot sa batas.