-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umabot na sa tinatayang 10 hanggang 15 ektarya ang lawak ng nasirang kalikasan dahil sa patuloy na ilegal na “banlas” mining sa Sitio Datal Saub, Barangay Datal Blao, Columbio, Sultan Kudarat.

Ito ang kinumpirma ni Barangay Kapitan Datu Sahhir Mamalinta ng Barangay Datal Blao sa panayam mg Bombo Radyo Koronadal. Bunga nito, isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources o DENR Region 12 ang isang malawakang operasyon sa lugar.

Pinangunahan ni Regional Executive Director Atty. Felix S. Alicer ang operasyon, kasama ang SOCCSKSARGEN Environmental Protection Task Force (SEPTF), Mines and Geosciences Bureau (MGB-12), Environmental Management Bureau (EMB-12), PENRO, MENRO ng LGU Columbio, PNP-RMU 12, 39th Infantry Battalion, at PNP Sultan Kudarat.

Sa operasyon ay natuklasan ang mga abandonadong makeshift shelter at kagamitang pangmina tulad ng hydraulic hoses, na agad inalis upang mapigilan ang pagpapatuloy ng ilegal na pagmimina.

Kinumpirma rin ni Director Alicer na positibo sa mercury contamination ang tubig sa Dalol River, batay sa isinagawang water sampling ng EMB-12, patunay na may seryosong panganib sa kalikasan at kalusugan ng mamamayan.

Gayunman, inihayag ni Kapitan Mamalinta ang pagkadismaya ng ilang miyembro ng komunidad sa kawalan umano ng tamang koordinasyon.

Ayon sa kanya, una raw napagkasunduan na simpleng inspeksyon at water sampling lamang ang isasagawa, kalakip ang pangakong livelihood assistance, ngunit nauwi ito sa raid na ikinagulat ng mga residente.

Nanindigan naman ang DENR na lehitimo at kinakailangan ang operasyon matapos matukoy ang aktwal na ilegal na aktibidad sa lugar.

Suportado naman ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu ang hakbang ng DENR at nanawagan sa mga lokal na pamahalaan na agarang tumugon sa ganitong problema sa kalikasan.

Samantala, patuloy ang panawagan ng DENR sa mga residente at miyembro ng Indigenous Peoples (IP) community na maging katuwang ng pamahalaan sa pagprotekta sa kalikasan at iwasan ang pakikilahok sa mga ilegal na aktibidad.