-- ADVERTISEMENT --

Nasagip mula sa tiyak na kapahamakan ang isang juvenile o batang Philippine Serpent Eagle matapos itong mapansin ng isang concerned citizen sa bayan ng Alamada, Cotabato.

Batay sa ulat, muntik nang mapaslang ang agila matapos umatake ang ilang aso sa lugar. Agad itong ini-report sa mga lokal na awtoridad, dahilan upang agad na makakilos ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Alamada at maisagawa ang mabilis na rescue operation.

Noong Hulyo 28, 2025, itinurn-over ang nasabing agila sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Midsayap para sa rehabilitasyon. Isinailalim ito sa pagsusuri ng Municipal Veterinary Office na nagkumpirmang wala itong tinamong pinsala.

Bagama’t ligtas, mananatili muna ang agila sa ilalim ng maingat na obserbasyon bago ito ibalik sa natural na tirahan nito.

Ang Philippine Serpent Eagle (Spilornis holospilus) ay isang species na endemic o tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan at kasalukuyang protektado sa ilalim ng Republic Act 9147, o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Nagpahayag ng pasasalamat ang CENRO Midsayap sa patuloy na pakikiisa ng publiko sa pangangalaga ng wildlife. Hinihikayat pa rin ng mga awtoridad ang mga mamamayan na agad ipagbigay-alam sa kanila ang anumang wildlife sightings o insidente upang higit pang maprotektahan ang likas na yaman at biodiversity ng bansa.