Malaking tulong sa mga kabataan at sa buong paaralan ang pagkakaroon ng isang designated na guidance counselor.
Ito ang naging pahayag ni Gng. Lovella Atup, Principal I ng Koronadal Central Elementary School I, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Gng. Atup, kasalukuyang wala silang sariling guidance counselor dahil wala pang inilaan na item para rito sa elementary level, habang sa high school ay mayroon na.
Sa ngayon, mga guro ang pansamantalang tumatayo bilang guidance counselor sa pamamagitan ng pagbibigay ng counseling sa mga batang nangangailangan. Ngunit sa mga pagkakataong mas seryoso ang sitwasyon, humihingi na sila ng tulong mula sa mga guidance counselor sa high school.
Giit pa ni Atup, kung mabibigyan man sila ng pagkakataon na magkaroon ng guidance counselor sa kanilang paaralan, tiyak na malaki ang magiging ambag nito sa paghubog ng kabataan at sa kabuuang kaayusan ng paaralan.
Dagdag pa ng punong-guro, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang maibigay ang dekalidad na edukasyon para sa mga kabataan.
“Ang mensahe ko sa lahat, suportahan natin ang isa’t isa para maibigay natin ang pinakamagandang edukasyon para sa ating mga anak,” panawagan ni Gng. Atup.