-- ADVERTISEMENT --

Muling nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 12 matapos matuklasan ang lawak ng pinsalang dulot ng illegal na ‘banlas’ mining sa Sitio Datal Saub, Barangay Datal Blao sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat.

Sa isinagawang operasyon noong Hulyo 17, 2025, ng Soccsksargen Environmental Protection Task Force, natagpuan ang mga abandonadong gamit sa pagmimina kabilang ang hydraulic hoses at makeshift shelters, na agad binuwag at inalis sa lugar.

Ayon sa DENR-12, patuloy na nasisira ang Dalol River, isang mahalagang ilog sa lugar dahil sa nakalalasong kemikal mula sa iligal na pagmimina. Napansin ang pagbabago ng kulay ng tubig, indikasyon ng matinding polusyon. Kaugnay nito, agad na nagsagawa ng water sampling ang Environmental Management Bureau (EMB) upang matukoy ang lebel ng mercury at iba pang kontaminasyon.

Ipinahayag ni DENR-12 Regional Executive Director Atty. Felix Alicer na ang ganitong uri ng pagmimina ay hindi lamang lumalabag sa batas kundi banta rin sa kalikasan, kalusugan, at kabuhayan ng mga residente at katutubong komunidad sa lugar.

Panawagan ng DENR at mga lokal na opisyal sa mga residente at IP communities na magkaisa at tumangging suportahan ang illegal mining para sa kapakanan ng kalikasan at ng mga susunod na henerasyon.

Buo naman ang suporta ng provincial government sa pangunguna ni Governor Datu Pax Ali Mangudadatu, na hinikayat ang mga LGU na agad na tumugon sa problema. Ang operasyon ay bahagi ng pinalawak na kampanya ng pamahalaan kontra illegal mining sa buong bansa.