Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng South Upi Municipal Police Station kaugnay sa pananambang sa mag-asawang sakay ng sasakyan sa Barangay Romongaob, South Upi, Maguindanao del Sur noong hapon ng Hulyo 25, 2025, na nagresulta sa pagkasawi ng lalaki at pagkasugat ng kanyang asawa.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Necasio Mindo, may-asawa at residente ng nasabing bayan.
Sa inisyal na ulat, binabaybay ng mag-asawa ang paakyat na bahagi ng Sitio Lénan, Barangay Romongaob, nang bigla silang harangin at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Si Mindo ay dead on the spot matapos magtamo ng matitinding tama ng bala, habang ang kanyang asawa ay nagtamo ng sugat at agad na isinugod sa South Upi Municipal Hospital para gamutin.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng krimen at patuloy ang pagtugis sa mga responsable sa krimen.