-- ADVERTISEMENT --

Mahigit 200 piraso ng matataas na uri ng armas ang boluntaryong isinuko mula sa iba’t ibang barangay ng lalawigan sa isinagawang unang Barangay Peace Summit ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, noong Biyernes ng umaga, Hulyo 25, 2025.

Ginanap ang pagtitipon sa Camp Datu Akilan Ampatuan at pinangunahan ni PCol. Sultan Salman Sapal, Provincial Director ng Maguindanao del Sur PPO. Dumalo sa summit ang 287 kinatawan ng barangay mula sa 24 bayan ng buong lalawigan.

Ang pagsuko ng mga armas ay bahagi ng kampanya ng PNP para sa pagpapalakas ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon. Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng PNP at mga Barangay Local Government Units (BLGUs) sa ilalim ng programang “Balik Baril” o disarmament initiative ng lalawigan.

Nagpahayag ng pasasalamat si PCol. Sapal sa aktibong pakikiisa ng mga barangay kapitan sa naturang aktibidad. Aniya, patunay ito na handa ang mga pamayanan na makiisa sa layunin ng pulisya na tuldukan ang karahasan at ilegal na paggamit ng armas.

Hinikayat din ng opisyal ang mga mamamayan at opisyal ng barangay na ipagpatuloy ang kooperasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.