KORONADAL CITY – Personal na dumalo si Department of Education (DepEd) Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara sa isinagawang National Management Committee (NMANCOM) meeting ng kagawaran sa Region 12 o Soccsksargen.
Ang nasabing pagpupulong ay isinagawa bilang bahagi ng inisyatiba ng DepEd upang pagtibayin ang koordinasyon sa pagitan ng central office at mga regional at division offices sa buong bansa. Layunin ng NMANCOM ang pagtukoy sa mga isyu, pagsasaayos ng mga polisiya, at paglalatag ng mga hakbangin upang mas mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Bilang bahagi ng kanyang opisyal na pagbisita, bumisita si Secretary Angara sa Koronadal National Comprehensive High School kasam sina DepEd Regional Director Carlito D. Rocafort at ilan pang opisyal ng DepEd Region 12. Samantala, naging kinatawan naman ng kalihim sina Usec. Mel John Verzosa at Asec Nilo Rosas. sa pagbisita sa Koronadal Central Elementary School.
Sa kanilang paglibot sa mga paaralan, nakipag-ugnayan ang mga ito sa mga guro, mag-aaral, at mga school administrators upang alamin ang kanilang mga pangangailangan, mga hamon sa implementasyon ng K to 12 curriculum, at ang kalagayan ng mga pasilidad sa mga pampublikong paaralan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga lokal na opisyal, guro, at komunidad upang makamit ang layunin ng edukasyon para sa lahat.
Nagbigay rin ng pahayag si Secretary Angara kung saan pinasalamatan niya ang mga guro at kawani ng DepEd sa kanilang dedikasyon, lalo na sa harap ng mga bagong hamon sa sektor ng edukasyon. Aniya, mahalagang manatiling bukas sa pagbabago at pag-unlad upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral.