-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Dalawa ang nasawi habang isa ang nasa kritikal na kondisyon sa isang aksidente sa motorsiklo na naganap dakong alas-4 ng madaling araw ngayong Biyernes, Hulyo 19, sa Purok Ilang-Ilang, Barangay Saravia, lungsod ng Koronadal, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSgt. Fely Bascon ng Koronadal City PNP Traffic Division, sinabi nitong wala pang lumalapit na kamag-anak upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, galing umano sa sentro ng Koronadal ang tatlo at nakisaya sa selebrasyon ng ika-26 T’nalak Festival at ika-59 Founding Anniversary ng South Cotabato.

Ayon kay Bascon, pauwi na sana ang mga ito patungong Tupi o Polomolok nang bigla umanong lumihis sa kanan ang sinasakyan nilang motorsiklo at nahulog sa kanal.

Natagpuan sa isa sa mga biktima ang isang ID na nakapangalan kay Marsid Kamir, residente ng Glamang, Polomolok, South Cotabato. Gayunman, hindi pa matiyak kung siya ang nasa kritikal na kondisyon o kabilang sa mga nasawi, bunsod ng labis na pinsala sa katawan at hindi na makikilalang mga mukha.

Kasalukuyang nasa morgue ng South Cotabato Provincial Hospital ang dalawang nasawi, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa parehong ospital ang isa pang biktima na nasa kritikal na kondisyon.

Patuloy pa ang beripikasyon ng mga awtoridad upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa aksidente.